ANG BITUING SI LUNA
ANG BITUING SI LUNA
Ni: Rubie Anne B. Luistro
“Sakaling madapa, huwag bumangon kung saan nadapa; bagkus, gumapang patungo sa lugar kung saan maaaring bumangon nang hindi na muling madapa.”
Ito ang prinsipyong pinanghahawakan ng isang dalagang minsang nadapa ngunit gumapang, bumangon, muling nagsimula, at napagtagumpayan ang mga hamon sa kanyang buhay.
Mayroon ka bang pangarap? Mga pangarap para sa iyong sarili, pamilya o pangarap para sa bansa o para sa ibang tao. Anuman ang ating pangarap o hangarin sa buhay, mahalaga na malaman na ang katuparan ng ating mga pangarap ay nasa ating mga kamay.
Panganay sa apat na magkakapatid si Lunia o mas kilala sa tawag na “Luna”, lumaki siya sa payak na pamumuhay, ngunit maaaninag sa kaniyang pagkatao ang determinasyon na umahon sa kahirapan kasama ang kanyang pamilya at mga magulang na walang humpay sa pagsasaka. Kaya naman pinagbuti niya ang pag-aaral hanggang makapagtapos sa elementarya at nag-uwi nang iba’t ibang karangalan.
Pagtuntong ni Luna sa ikalawang taon sa mataas na antas ng paaralan, hindi niya inaasahang dumating ang isang masalimuot at madilim na karanasang humantong sa mahirap na sitwasyon sa buhay niya, nagkaroon siya ng kasintahan sa loob lang ng isang linggo, nagbunga ang pagmamahalan nila ng isang babaeng anghel sa kanyang sinapupunan. At ng malaman ito ng kanyang kasintahan ay bigla niya itong itinanggi at hindi na muling nagpakita kay Luna. Lingid sa kaalaman ng kanyang buong pamilya, na magiging isa na siyang ina sa edad na labinlima.
Tunay ngang hindi natanggap ng kanyang pamilya ang pangyayari at hinimok siyang huwag ituloy ang pagdadalang-tao para makapagtapos ng pag-aaral. Ngunit lalo lamang tumibay ang pagtitiwala at pananalig ni Luna sa Diyos kaya’t nanindigan siya na bigyang buhay ang biyaya ng Amang lumikha. Hindi nagtagal ay muli siyang tinanggap sa kanilang tahanan bago niya isilang ang kanyang sanggol. Ngunit kinailangan niyang tumigil sa pag-aaral.
Sa kagustuhang makapag-tapos ng pag-aaral namasukan siya bilang kasambahay sa Maynila sa edad na labimpito kasama ang kaniyang anak na noon ay dalawang taon pa lamang. Pagkalipas ng ilang buwan, muli siyang umuwi sa Probinsya ng Mindoro upang doon na lamang mamasukan. Nakilala niya ang isang mayamang doktor na noon ay nangangailangan ng kasambahay. Pinag-isipang mabuti ni Luna ang gagawing plano. Isinama ng mayamang doktor ang mag-ina sa Zambales kung saan nanilbihan si Luna nang walang sahod at ang kapalit ay pag-aaralin siya ng nasabing doktor na tumuring na sa kanila bilang pamilya.
Makalipas ang mahabang panahon, nalaman niya ang tungkol sa Alternative Learning System (ALS) at sa pamamaraang modular, naipagsabay ni Luna ang pag-aaral at ang paghahanap-buhay. Naipasa niya ang Test para sa antas ng sekundarya, at kumuha ng kursong Bachelor of Elementary Education sa pamamagitan ng pang-gabing mga klase sa kanyang pinapasukang paaralan.
Hindi naging madali ang lahat para kay Luna – pag-gampan sa araw-araw na gawaing-bahay, pag-aalaga sa kanyang anak at sa anak ng doktor, at pag-aaral sa gabi. Ngunit dahil sa determinasyon, pagsusumikap, at pagtitiyaga, nakapagtapos siya at kumuha ng pagsusulit sa pagka-guro. Hindi nagtagl ay pinagpala siyang agad na makapasa sa kanyang pagsusulit. Boluntaryo siyang nagturo upang maibalik ang serbisyo sa kapwa.
Dahil sa kabutihang-loob at malinis na hangarin, naatasan siya bilang permanenteng guro malapit sa kanilang bayan. Kasalukuyan siyang nagtuturo sa Paaralang Elementarya kung saan nag-aaral ang nag-iisa niyang anak na si Rhea.
Ipinaliwanag ni Luna sa kanyang anak kung ano ang kahalagahan ng edukasyon sa buhay ng isang tao. Sa daming pinagdaanang pagsubok at paghihirap sa buhay niya, hindi siya tumigil sa pagpapahalaga sa edukasyon para sa kanyang pangarap. Kinaya niya ang lahat ng pangungutya, pangmamaliit at maging isang hangin na parang walang nakakakita at nakakapansin. Pero hindi siya nagpadala sa emosyon at galit na naiipon sa kanyang kalooban, bagkus ito pa ang naging dahilan niya para muling bumangon at patunayan sa lahat ng tao na hindi lang siya isang babaeng may anak, kundi isa siyang babaeng may ipagmamalaki at pangarap.
Ang maikling kwento na ito ay patunay na ang bawat hamon ay mapagtatagumpayan sa tulong at gabay ng Panginoon, sa pagsusumikap at pagtitiyaga. Maituturing na si Luna ay isang huwaran para sa mga kabataan na katulad ko, at magsisilbi siyang inspirasyon sa mga guro na pag-ibayuhin ang hangarin na mabago at maibangon ang mga tulad niyang nadapa.
Comments
Post a Comment