HALALAN




Halalan

ni: Rubie Anne B. Luistro 

Laganap ang pangalan 

Nakalagay sa bawat daanan 

Nagpapabango sa taong bayan 

Sapagkat darating na ang halalan.


Heto na! Heto na naman ang caravan niya 

T-shirt, sumbrero, payong at marami pang iba 

Pampabulag sa mga taong umaasa 

Sa mga mabubulaklak na sinasambit nya.


Karamiha'y natutuwa pag anino niya'y nakikita 

Sapagkat dilaw na papel ay matatanggap na 

Nagbibilad, pumipila upang makakuha ng bigas at delata 

Upang pansamantalang malamnan ang sikmurang kumakalam na.


Katwira'y tuwing eleksyon lang naman 

Mapapakinabangan ng mga mamamayan 

Mga kandidatong nag-uungusan

 Kung sinong pupwesto sa tronong upuan.


Ikaw, ikaw na mamamayan 

Papayagan mo bang sya'y maupo sa gustong kalagyan 

Gayong alam mo namang sya lang makikinabang 

Sa kaban ng ating bayan.


Pero ako, ako ay boboto 

Ako ay boboto para sa tunay na pagbabago 

Pagbabago na dapat matamo ng bawat pamilyang pilipino 

Ang halalan ay sasapit na nman.


Kay daming pangakong ating napapakinggan 

Ngunit 'di natin alam kung ano ang katotohanan 

O pawang mga pangako, pangakong patuloy na mapapako 

Pagkatapos nilang makuha ang tiwala ng mga tao.


Tila nasanay na ang iba, sa limandaang nakukuha

Nasanay na sa mga suhol at tila hindi nangangamba 

Sa kinabukasan natin na tila dilim lang ang nakikita 

Nakikitang tayo'y lulubog na sa katotohanan.


Ang karapatang pumili ay nawawalan ng halaga

 Halagang pinagpapalit sa maliit na halaga ng pera 

Perang kakarampot na kapalit ng ating kinabukasan 

Sana naman ay ating mapag-isipan.


Kung sino ang totoong magpapabago 

Sa bulok na sistema ng ating gobyerno 

Matuto na tayo, sanay matuto na tayo 

Sa darating na eleksyon tayo, tayo naman sana ang manalo.

Comments

Popular posts from this blog

TULA: Kabataan Pag-asa pa nga ba ng Bayan?

SULYAP SA WPKP (WIKA, PANITIKAN AT KULTURA NG PILIPINAS)